Kinabig niyang pakanan ang manibela ng kotse papasok sa
bungad ng kalye na kinaroroonan ng kanilang bungalow. Sumaludo pa sa kanya ang
ilang kalalakihang naglalakad. Mag-aalas onse na ng gabi at nasa kalye pa ang
mga ito. Sa mga mukha ay nababakas n'yang ama na ang ilan sa mga iyon at ang
iba'y maaring may asawa naman. Sa oras na ito ang matatawag na
"uwian" ng mga kalalakihang nagha-"happy-happy". At siya,
isang arketipo ng isang "lalaki" ay hindi pinalagpas ang pinakaaktibong
bahagi ng kanyang buhay. Kasaysayan ng maituturing ang mga lalaking
nagha-"happy-happy" sa mga bar at kandungan ng makukulay na mga
babae. At hindi siya papayag na mapag-iwanan ng kasaysayan.
Iginarahe niya ang kotse. May malaking pagtatakang
binistahan niya ng tingin ang kabahayan. Madilim. Walang bakas na may natitira
pang gising. Mangyari ay nakasanayan na niyang lagi siyang hinihintay ng
kaniyang asawa. Tuwi-tuwina'y mananatili itong gising, hihintayin ang kanyang
pagdating at bibigyan siya ng halik sa pisngi. Nananatili itong gising dahil
ayon na rin dito'y nais niyang mainit ang pagkaing ihahain sa asawang pagod na
dumarating. Gayunpaman, hindi ito nagtatanong kung saan siya galing. Tahimik
lamang nitong ihahain ang kaniyang pagkain sa mesa at hihintayin siyang
matapos. Ngunit sa likod ng utak ng lalaki ay ang pagtatanong kung alam na ng
asawa ang kanyang ginagawang "happy-happy" at ang pagtataka na kung
sakali mang alam na nito, bakit hindi siya kinukumpronta?
Ipinihit niya ang pintuan at sumunod ang pag-ingit nito. Kinapa niya ang switch
ng ilaw at napilas ang karimlam sa sambahayan. Tumuloy siya sa komedor at
nabungaran niya ang pagkaing may takip sa mesa. Kumunot na ang kanyang noo.
Nasaan na ang asawa niyang dati-rati'y hinihintay siya at nag-iinit ng kaniyang
hapunan?
Tinungo niya ang kanilang kwarto. Bukas ang pintuan nito.
Lumapit siya sa kama at hinawakan ang asawang tulog na. Marahil ay hindi siya
nahintay. Naisip niya ang babae kanina sa klab. Malayong malayo iyon sa kanyang
asawa. Ang kanyang kabiyak ay mabuti. Ngunit ang mga babaeng kanyang nakikilala
ay maganda lamang sa mata, ngunit hindi niya gugustuhin ang babaeng ganoon sa
kanyang mga bisig.
Napaisip siya. Heto ang babaeng nakasama na niya ng maraming tao. Heto ang
babaeng kanya ng nasasaktan. Heto ang babaeng pinangakuan niya ng kaligayahan.
Ano ang nagawa niya?
Maingat siyang tumayo upang hindi magising ang asawa.
Mabilis siyang lumabas ng kwarto at pumasok sa komedor. Hinainan niya ang
sarili ng malamig nang pagkain at saka nagsimula ng sumubo. Bago sa kanyang
panlasa ang malamig na kanin at nakakaisang kutsara pa lamang siya'y niligpit
na niya ito. Maraming bagay sa kanyang isip. Naisip niya, ayaw na niya ng
malamig na kanin. Mula ngayo'y nagluluto pa lamang ang kanyang asawa'y uuwi na
siya. At hindi na niya hahayaang hintayin siya nito sa magdamag.
Who's your inspiration in this story? LOL.
ReplyDeleteIt's the fear that someday, (YOU) my love will be led away fom me. I made this wishing that you'll always find a way to get back...
ReplyDelete